Wednesday, April 29, 2009

Daluyong

(alay sa kalikasan)


Ako'y daluyong--

Sa ihip ng hanging bugso ng laot,
sa dalampasigan ako'y umaabot;
tuwing sa buhangin ako ay humaplos,
aking napapawi, damdaming may poot.

Datapwa at minsan sa samang panahon,
maliliit kong alon, nagiging daluyong;
at sa pagdagundong ng malakas na ugong,
sugatan n'yong puso'y handang magpalamon.

Sa 'king mga bagwis, dito'y lulunurin,
isipang nanimdim, lugaming damdamin;
upang mga binhi ng gintong hangarin,
sa tigang n'yong puso'y muling maitanim.

Ako'y daluyong.

Kalyo

(alay sa mga manggagawa)

Sinasalat ng daliri mo
ang kalyo sa iyong kamay;
waring simusukat mo
ang naging kakapalan nito
sa pagdaloy ng mga araw;
Bigla, nangunot ang iyong noo;
nagsalubong ang kilay mo
nang maalala mong ang kagaspangan
nitong kumikiskis sa iyong mukha
ang dahilan ng pagkairita mo
nang ika'y maghilamos kanina.

Anak ng kalyo—ang naibulong mo
nang matandaan mong ito rin
ang dahilan ang pagkairita
ng nobya mo kahapon
nang hawakan mo
ang kanyang kamay;
napapakagat-labi kang
napapatiim-bagang!

At ngayon, bigla ang hinlalaki't
hintuturo mo,
mariing kurot
ang ipinataw sa kalyong
salot sa paningin mo.
At bigla rin, umalngawngaw
sa bulwagan ng iyong kamalayan
ang halakhakan ng mga kaibigan
mong natutuwang nangungutya
sa kalyado mong kamay;

Nagdilim ang iyong paningin.
Tumayo ka't kumuha ng blade
upang sapilitang tanggalin ito.
Subali't napatigil kang napapaisip...
napag-isip-isip mong ang OA
ng drama mo;
at bigla mong napagtanto,
nag-inarte lang pala ang mukha
nang ika'y maghilamos kanina—kunway di sanay;
at ang nobya mong OA rin—tatawag din yun.

Walang anu-ano'y napangiti ka nang tumaginting ang bombilya sa ulo mo;
napag-isipan mongpagtatawanan mo rin
ang mga kaibigan mong
palaging nangungutya sa iyo—at sa lipakin mong kamay;
Ito ang sasabihin mo: Waah! Mga walang kalyo, tamad!--paulit-ulit haggang sa sila
ay mabingi.

Ngayon, sa'yong pagkakahiga,
muli mong sinasalat
ang kakapalan nitong nakikipaghabulan
sa matuling paglayo ng mga araw;
At bigla, natambad sa 'yong mga mata
ang mga natatalang kasipagan
ng kalyado mong kamay: mga pagpukpok, pagbubuhat, paglalagari—mga napipintang lakas at tibay.
Ngayon din, naitaga mong ang kalyado
mong kamay
ay isang manlilikhang
humuhubog, bumubuo
ng mga matatatag
na bantayog
ng kadakilaan
sa buhay.

Marupok

(Sa mga mahilig sa nightlife)

Sige
sayaw lang
giling
gumiling kayo;
sa saliw ng musika,
iyugyog niyo—ang labis
na kamunduhan,
ng marurupok niyong damdamin!

Mahina...

Kung sa inyong pagwawari
diyan mapapawi
ang pighati
ng puso niyong sawi,
sige...
umindayog kayo!
Sa saliw ng tugtuging nakabibingi,
sa bulwagang nangungumbinsi—kumikislap, buhay na buhay!--ay
diyan lulunurin,
inyong mga sarili,
ang makamundo
ninyong pagnanasa!

Ayaw papigil?
Yugyog lang;
malayo pa ang umaga;
huwag mag-alala,
naghihintay niyong magulang
sa tahana'y himbing na.

Bitin pa?
Indayog lang...
isigaw niyo:
mundo'y walang katapusan!!!

Masaya na?
Kulang pa?!
Sige,
giling!
Indayog!

Huh!
Umaalingawngaw
inyong mga halakhakan
nguni't kayo'y mahina...
mahinang-mahina...
hapo—marupok!
Marupok
dahil sa magdamagang sayaw;
sa halakhakang umaalingawngaw;
sa kamunduhang nangingibabaw!

...at nagpatuloy kayo...
sa pagyugyog,
sa halakhakan,
sa kamunduhan!
At lalo pang nag-iinit...
nag-aalab,
labis niyong karupukan!
Wala man lang nakapansin,
nag-aalab din...
ningas
nagniningas
--gumuguhit,
umiinit;
usok
--nakasusulasok;
init
--humahagupit--itutuloy

Panandalian Lamang

(unang nailathala nung nasa 2yr hayskul ang may akda sa pamamagitan ng Sangandaan-opisyal na pahayagang pampaaralan ng CBNHS-kung saan siya ay naging punong-patnugot)

Kay raming araw na ang nagdaan,
laging bagabag ang kalooban,
nalilito sa nararamdaman,
kung ano ito, alam ko na angdahilan.

Simula nang ikaw ay aking makilala,
puso't isipan ay lagi ng nang balisa;
ang suyuin kay iniisip ko tuwina,
upang maangki't maging sinta ka.

Ako'y di nabigo at ika'y napasaakin na,
kaya't labis na galak, aking nadama;
nang dahil sa iyo, mundo ko'y nag-iba,
naging maligaya, naging makulay pa—corny.

Ang masayang pagsasama natin,
akala ko'y magpahaggang libing;
maling akala pala't lungkot ang naangkin
nang ika'y lumisa't lumimot sa akin

Mga kamalian ko'y aking napuna,
at natanto ko'y puro maling akala;
buong akala ko iyon ay pag-ibig na,
subali't pag-ibig...
pag-ibig na panandalian lamang pala.

(kay maricel)

Ampalaya

(pait ng pag-ibig)

Simpait ng ampalayang
pinagtiyatiyagaang lunukin
ng aking lalamunan
ang naging bunga
ng wagas
kong pag-big;

Ampalaya kang kaypait.

Tanging Habilin

(pamamaalam)

Sakali mang ako'y lumisan,
tanging ang mga ito lamang
ang aking maiiwan:

Mga katha ng pag-ibig;
Iilang tulang may lagda;
at ang puso kong
sa iyo'y wagas
na nagmamahal.

Saksi Ang Punong Iyon

(Pagpababalik-tanaw)

Ilang taon na rin ang nakalilipas nang ako'y lumisan sa aming munting tahanan. Subali't nananatiling sariwa ang ginintuang ala-alang hinubog ng mabilis na paglayo ng mga araw at matuling pag-agos ng panahon...sa isang iglap, natakasan ko na pala ang daigdig ng kamusmusan.

Sa aking pagbabalik, nais kong makitang muli ang lupang minsa'y naging aking kandungan...at pinananabikang masilayang muli ang punong naging tanging piping saksi sa makulay kong kahapon.

Sa muli kong pag-apak sa nayong ito, daglian kong tinungo ang punong yaon. Namangha ako sa patuloy nitong pagyabong. Masasalaming inaruga ng init ng araw, luha ng langit at haplos ng hangin. Nakatingala akong nakatitig sa mayayabong nitong dahon na nakikisayaw sa ihip ng hangin. At kasabay nito'y ang pagpapaling-paling ng mga talulot na dahan-dahang mahuhulog at madampian ang aking pisngi, wari'y nagsasabing "maligayang pagababalik".

Muling nagbalik sa aking gunita ang ala-ala ng aking ginintuang kahapon.

Saksi ang punong ito...kung paano ako itinali ng aking ama sa mga nakausling ugat nito matapos kong mapurol ang pinakamamahal niyang itak.

Saksi ang punong ito...kung paano akong kumaripas ng takbo sa tuwing hahabulin ng sanga ng bayabas ng aking ina...sa tuwing makaligtaan kong diligan ang mga pananim sa aming bakuran.

Saksi ang punong ito...kung paano akong humagibis ng takbo matapos kagatin ng mga pukyutang nananahanan sa kanyang mga sanga't mangyari'y aking magambala...kung paano mamaga at magbola ang aking mukha dulot ng mga insektong minsan di'y nag-akalang mukha ko'y kanila ring tahanan.

Saksi ang punong ito...kung paano humambalos ang nanginginig kong kamay at lamugin ang mukha ng aming kapitbahay na si Juan sa labis kong poot matapos niyang isabit ang pinakamamahal kong tsinelas sa sanga ng puno ding ito.

Saksi ang punong ito...kung gaano kalakas ang aking paglagapak ng ako'y mahulog nang minsa'y makalimutan kong ako'y nasa itaas nito matapos kong malasap ang sarap-asim na bunga nitong idinildil ko sa batuhing asin...asing isang oras ko ring hingin kina Aling Luding na aming kapitbahay—kapitbundok kung tutuusin.

Saksi ang punong ito...kung paano kaming pilayin ng rumaragasang tubig-baha...at kung hindi pa dagliang naitali ng aking ama at nakatatanda kong kapatid sa puno ding ito ang aming munting tahanan, tiyak ay aakalain ng lahat na bagong desenyo ng bangkang lulutang-lutang sa ilog...kung hindi magkakalasug-lasog.

Saksi ang punong ito...kung gaano kalakas akong humilik sa tuwing ako'y sagli't na tatakas sa taniman ng aking ama at mamahinga sa lilim ng puno ding ito.

Saksi ang punong ito...kung gaano kalaki ang bunganga ko't mabingi si Mang Oscar ng ako'y kanyang binyagan upang yakapin ang mundo ng pagiging binata. Lingid din sa kanya kung gaano kalaki ang pangangamatis nito...at kung gaano akong naghirap sa pangangalap ng mga dahong panghugas.

Saksi ang punong ito...kung paano akong lumuha sa labis na kagalakan..sapagka't sa kandungan ng punong ito ay una kong narinig ang matimyas na pagsinta ng aking iniibig. Dito'y una kong nalasap ang walang kasing-tamis na halik ng aking irog upang madugtungan niya ang aking hininga't hikayating mamuhay sa masalimuot at mapanghamong panahon kasama siya. Sa lilim ng punong ito ay minsan kong nadama ang labis na kaligayahan sa tuwing kami'y mamahinga sa malambot na talahiban habang pinagmamasdan ang dapit-hapong may ginintuang kulay.Kung saan, kami'y iduyan ng labis na kaligayahan habang pinakikinggan ang bilis ng pulso at pintig ng puso ng bawa't isa. Kung saan kami'y lunurin ng tuwa habang nahuhulugan ng mga dahon nitong papaling-paling sa hangin bago bumagsak sa lupa. Kung saan, una naming isinuko ang aming sarili sa isa't isa upang tanggapin ang kaluwalhatiang kaloob ng Diyos.

Saksi ang punong ito..kung paano ko pinagsikapang buhaying muli sa munti kong paraan ang panitikang pilipino...ang panitikang naging sukatan ng katayugan ng diwa, lunggati, at pagpupunyagi ng ating mga bayani at salinlahi na tunay nga namang nagbigay ng napakahalagang ambag sa paglaya ng lahing kayumanggi.Sa lilim ng punong ito, una kong naisulat ng tama ang abakada upang makabuo ng salita...ng mga salitang may sukat at tugma...ng tula..hanggang sa makabuo ng maayos sanaysay at makabuluhang pitak.

Saksi ang punong ito...kung gaano kalayo ang naaabot ng aking paglalakbay- diwa...kung gaano katayog ang nalilipad ng aking pangarap... kung gaano kalalim ang nasisisid ng aking isipan..at ang lawak ng pagtilamsik ng mga sanhi at bunga nito.

Saksi ang punong ito...kung paano kami nakipagbuno sa mga pangahas na minsang nagtangkang putulin ang kanyang paglago .

Ngayon... sa aking pagbabalik, hindi ko hahayaang may magtangka pang supilin ang patuloy mong pagyabong at sa walang kapantay na ligayang iyong hatid. Ang punong sumasalamin at nagsisilbing piping saksi sa lalim ng aking pagkatao ay mananatili habang buhay. Ang punong larawan ng katatagan, inspirasyon at tibay ng kalooban ay nararapat kong pagyabungin, sapagka't ito'y gabay ko sa pagharap at upang mapagwagian ang bawat agos ng mapanghamong panahon.

Saksi ang punong ito...

Napukaw ang aking pagbabalik- gunita nang matanaw ko ang babaeng lakad-takbong tinalunton ang nararaanang talahiban. sa kanyang aliwalas na mukha'y maaaninag ang kislap ng kanyang mga mata at sa pulahin nitong labi ay sumilay ang matamis na ngiti...kasabay niyon ang pagwika n'ya ng "maligayang pagbabalik"-ang aking irog...

--wakas--

Nauupos Na Kandila

(Pagpapahalaga sa sarili)

Magbago ka.

Ikaw ay tulad ng isang nauupos na kandila at ito’y di tulad mo.

Kung hanggang ngayon ay pinaniniwalaan mong wasto ang kabuktutang ginagawa mo sa sarili’t kapwa...magbago ka. Ikaw ay katulad ng isang kandilang unti-unting nalulusaw sabay sa pagtiktak ng orasan.

Ikaw at ang katulad mo’y nauupos na kandila. Dapat kang magbago pagkat ang kandila ay di tulad mo.


Kung hanggang ngayo’y iginugugol mo ang mahahalagang panahon at lakas sa mga walang kabuluhang bagay na dapat sana’y naitakda mo sa gawaing nararapat...magbago ka. Ikaw at ang kauri mo’y hambing sa isang kandilang nauupos habang nilalamon ng apoy.

Ang kandila’y di tulad mo ngunit ikaw at ang kauri mo’y tulad nito.

Kung ang bagong kahulugan mo sa pagtutulos ng kandila sa oras ng iyong panalangin ay ang pagtitirik ng mga bote ng alak; kung ang dating mataimtimang busal ng iyong panalangin ay ngayo’y nakabibinging halakhakan kasama ang iyong mga kaibigan; at kung ang dating pag-aalay mo ng bulaklak sa oras ng misa ay ngayo’y paglalapag ng pulutan at pagbalasa ng mamula-mulang baraha...magbago ka! Ang katulad mo...kayo ng mga kaibigang mong gaya mo ay tulad ng mga kandilang nauupos sabay sa pagdagundong ng batingaw sa simbahan.

Magbago ka. Nauupos ka na at malayo pa ang umaga. Nauupos. Ikaw ay nauupos. Nauupos ka. Sa karimlan ng gabi ay patuloy kang mangangapa pagkat malayo pa ang umaga at hindi ka pa rin nagbabago.

Kung hanggang ngayo’y nasa cyber cafe pa rin ang first subject mo; kung hanggang ngayo’y di mo pa rin makuhang ipagpasalamat sa magulang ang allowance mong napupunta sa ragnarok at tantra...magising ka na. Tagaktak ang pawis nila upang maibigay sa’yo ang kailangan. Magpahalaga ka. Hindi lahat ng pagkakataon ay may tubig ang balon, kaya’t igugol mo sa tama ang lahat ng nasa iyo. Ang magulang mo’y tulad din ng nauupos na kandila at ito’y di tulad nila. May hangganan ang lahat tulad ng kandilang nauupos. Magbago ka.

Kung hanggang ngayon ay gaya pa rin ng dati...kung saan isinusulat mo ang iyong kodigo sa gitnang bahagi ng iyong bluebook tuwing exam habang umaalingasaw ang amoy ng pawis mo pagkatapos ng maaksyong basketbol, at makaraang mag-ingay ka sa espasyong daanan dahil sa nasita ng guwardiya matapos mong bulabugin ang mga kaklase na napagbuntunan mo ng galit dahil sa naloko ka ng babaeng nakaulayaw mo sa kahabaan ng San Pedro St. sa gabing sinundan, makiramdam ka. Maya’t maya kang pinag-uusapan.

Magising ka. Ang kandila’y nauupos tulad mo subalit magkaiba kayo. Kaya, huwag mong sayangin ang maikling panahong ilalagi mo sa mundo.

Ang buhay mo’y maikli tulad ng kandilang unti- unting nauupos. At kung di ka magbabago, darating ang panahon na ikaw ay magnanais na lamang bumalik sa nakaraan upang maituwid ang iyong mga pagkakamali at upang magawa ang mga bagay na di mo ginawa. At upang ganap na mapunan ang oras na laan sa mga bagay na lubhang mahalaga’t sana’y iyong nagawa. Subali’t sa panahong iyon, di mo makakaya, tulad ng kandilang sisiyap-siyap matapos masagad ng matakaw na apoy, ikaw ay dahan-dahang nalulusaw. At kahit sa pagbabalik- tanaw lamang mo gustong baguhin ang iyong nakaraan, natitiyak nating di mo ito magagawa. Pagkat dahan- dahang napapagal ang iyong isipan hanggang sa tuluyang maglaho ang lahat sa iyong ala-ala. Sana’y maisip mo.

Magbago ka...pagkat ikaw ay tulad ng kandilang nauupos, subali’t ito’y di tulad mo. Sapagkat, ang kandilang bagong sindi ay nakapagbibigay ng masidhing liwanag. At kasabay ng nakabibinging kalembang ng batingaw sa simbahan...unti- unti itong nauupos at di na makakaya pang makipaglaro sa dilim at di maglalaon ay mamamatay. Magkaganun man, ang mga labi nito’y muling nahuhubog kung kailan natin naisin at muli...nakapagbibigay ng ningas sa pusikit na karimlan ng gabi. Sa kasawiang palad, ang tao’y gaya ng kandilang nauupos ngunit siya’y may tig-iisang pagkakataon lamang sa bawat yugto ng kanyang buhay upang ito’y magampanan. Habang gumaganap siya, mabuti man o hindi, siya’y unti-unting mauupos...mawawalan ng lakas... tuluyang babagsak sa lupa at wala na siyang pagkakataong katulad ng kandilang muling nakapagbibigay ng liwanag.

Ikaw ay tulad ng kandilang nauupos subalit magkaiba kayo.

Sana’y kahit sandali ay tumigil ka sa iyong paghakbang sa landas na iyong tinatahak upang muling malingon ang iyong nakaraan- kung nagawa mo bang pasalamatan ang lahat ng nagmamahal sa’yo; kung nakahingi ka na ba ng tawad sa lahat ng nasaktan mo-sarili’t kapwa; at kung nagampanan mo ba ng maayos ang iyong tungkulin. Pagkat tulad ng kandila, unti-unti kang nalulusaw at nawawalan ng liwanag sabay sa pagdaloy ng mga oras. At pagdating ng panahon, tuluyan ng maglalaho ang iyong kislap. At sa puntong iyon, anumang naisin mong matamo ay hindi na maaring makamit...at ang nakaraan kailan ma’y di mo na maibabalik.

Nauupos ka na tulad ng kandila subalit ito’y di tulad mo.

Magbago ka.

Hinog Sa Pilit

Ang sapilitang
pakikipagbati
sa isang taong
nagdulot
ng matinding
sugat
sa ating puso
ay parang
pagkain
ng manggang
hininog sa pilit;
sikapin mang
lasapin ang tamis,
nangingibabaw pa rin
ang asim.

My Heart Stands Still--In Waiting

We met at the crossroads
only to leave each other;

I was fortunate
because once in my life
my heart was anchored to yours,
yet unlucky for I was not able to defer your leaving-- my courage was not enough.

If only I could stop the clock from its ticking,
in a just time,
you could have given me the chance to etch my poetry
that clearly reflects my being...
and this genuine love could have convinced you to remain.

But my fate played otherwise,
and there is no stopping the clock from passing by...

And thus, you had to depart...
you needed to follow your god- he was calling you.

The rain then was falling and the season for parting came;
with tears, we just kissed goodbye
and listened to the sound of loneliness
penetrating into the depths of our soul
as we glimpsed each other
slowly fading in the darkest corner of the night.

I have been waiting you since then...
patiently, time after time...
season upon season...
longing for your coming.

Meanwhile, my heart is battling with pain,
struggling to stop this desire..
How to put an end?
I really don't know...
for it is so hard for me to put you into oblivion..

My heart stands still--in waiting.

(for gecelle)

Sa Paliparan 143

Inaararo ng dambuhalang eroplano
ang nangingintab na pisngi ng langit;
sintatag ng loob mong lumisan
ang pagsalunga nito
sa kakapalanng alapaap
na pinaghahagunutan
ng masungit na bugso ng hangin.
Naiwan sa ibaba ang alinsangan
at ang sali-salimuot
na mga ingay ng paliparan;
mandin ang isang pusong
nagtitiis langhapin
ang usok at nabibingi
sa singasing na dala
ng iyong pagpailanlang,
matingala't masundan ka lamang ng tanaw...

Malao't madali, ika'y magbabalik...
sana'y sa paliparan 143
ka pa rin lalapag...
kung saan,
nananatiling nakatayo
ang isang pusong
umaasa't umaasam
na mahaplusan muli
ng malamyos na himig
ng iyong pagmamahal.

(kay rose)

Marahan

Marahang marahan,
lumapit ka irog;
sa aking balikat
ay iyong isandal,
pagal na isipan
at hapong damdamin.

Marahang marahan,
ika'y humimlay;
sa aking dibdib
ay damhin mo ang pintig
ng dalisay na himig,
ng wagas na pag-ibig.

Marahang marahan,
mata'y ipikit;
Huwag nang manimdim
sa ulang nagngangalit,
maya-maya lamang,
liliwanag din
ang langit.

Marahan...
marahan lamang irog.
Sa aking kandungan,
payapang isipan,
sana'y iyong makamtan.

Ngayon,
sa paghaplos ng liwanag
an hinabi ng buwan,
lalong tumitingkad
iyong kagandahan.
Habang kumakaway
ang iyong panagimpan,
sa aking sarili,
ika'y iduduyan
ng marahang marahan.

Bukas, marahan din,
tayo'y manalunton
sa malambot na talahiban;
sa silong ng bughaw na langit
ay buong laya nating damhin,
buong galak nating salubungin,
samyo ng sariwang hangin;
sarili'y ating lunurin
sa kaluwalhatiang bugso
ng wagas na damdamin.

Duyan

Sa tuwing ika'y manangis
iniyuyugyog kita
sa duyan ng aking pagmamahal;

ako,
ang duyan mo;
ang duyan mo'y ako.

Sa mga sandali ng pangamba,
iniyuyugyog kita
sa duyan
ng aking pag-asa;

ako ang duyan mo,
ang duyan mo'y ako;

Sa panahon ng ating pagnanasa,
iniyuyugyog kita duyan
ng wagas kong pagsinta;

ako ang duyan mo,
ang duyan mo'y ako;

Sa tuwing ika'y nahahapo
buhat sa yugyog ng karurukan;
ng masiglang suyuan,
walang malay kang nahihiga
namamahinga,
sa kandungan ko- ang duyan mo.

Ako
Ang walang maliw na ako,
ang duyan mo habang buhay
ang walang hanggang duyan mo;

ako ang duyan mo
duyan mo'y ako
duyan mo
duyan
ako

Dalamhati Sa Silong Ng Langit

Manaka-nakang
gumuguhit sa langit
ang mga matatalim
na kiwal ng kidlat
sa pagkakayungyong
ng makakapal na bagwis
ng karimlan;

Sa silong nito,
natagpuan ko
ang aking sariling
lugami sa burak
ng kapighatiang
dala ng kapalaran.

Nobela-Ikalawang Yugto

Umaambon nun. Hinihintay ko siya sa dati naming tagpuan kasi may sasabihin daw siya na importante. Kaya, kapiling ng mga lamok, matiyaga akong naghihintay. Napangiti ako nang siya ay dumating ( sabik akong makita araw-araw si Dianne). Nang mga sandaling iyon, seryoso ang kanyang mukha.

" Anong sasabihin mong importante? Sasama ka na sa 'kin? Magtatanan na tayo?" Jeje, joke lang ang sinabi ko pang-alis lungkot.

"Hindi..ano ka ba..? May sasabihin nga akong importante...sana'y maintindihan mo," sambit niya.

" Ano..? Sabihin mo" ang naiwika kong alangang nananabik na kinakabahan.

"Sasama ako kay Shiela...naghahanap siya ng talent for Japan...siya daw bahala sa 'kin...sa mga papeles..allowance habang nagti-training. Nagbigay na rin siya ng tulong sa amin..sa aking pamilya," paliwanag niya.

"Ano..? Tayo..? Papaano tayo?" ang naiwika kong hindi ko maintindihan kung magagalit o maawa.

Para nga talaga akong pinagsakluban ng langit at lupa ( corny na kung corny). Nasa isip ko nang mga panahong iyon ay di dapat ako papayag.

"Hindi...hindi maaari..mahal mo 'ko hindi ba? Kung ganun, ba't ka aalis? Please...wag kang umalis...Dianne naman," ang naibusal ko.

" Buo na ang aking pasya...naka-oo na ako kay Shiela. Mahal na mahal kita, 'lam mo yan at alam kong mahal mo rin ako-- makapaghihintay, makatitiis tayo. Ang di ko matiis ay ang mamamatay sa gutom ang aking pamilya...alam mo naman diba..?diba...?" ang naibusal niya ng pumapatak ang luha.

" Naiintindihan kita...alam ko...pero, wala na bang ibang paraan..wala na ba? Konting hintay na lang ga-graduate na ako diba? Kung gusto mo, ibibigay ko nalang ang buong allowance ko...sige na please? Huwag kang umalis...," pagmamakaawa ko.

Natahimik siya. Nakatitig siya sa akin...kay lalim ng mga titig na iyon-tumatagos sa aking kaluluwa. Matagal kaming nagkatitigan hanggang sa may nakita akong determinasyon sa kanyang mga mata...deterninasyong nagsasabing buo na ang kanyang pasya at wala na akong pag-asang mapigilan pa siya.

Daglian siyang tumalikod at pahagulgol na tumakbo. Mangiyak-ngiyak din akong hinahabol siya. Tumutulo na ang uhog ko sa mga sandaling iyon. Sirang-sira na ang macho-figure ko...subali't wala akong pakialam. Ang naiisip ko nang mga sandaling iyon ay ang pigilan siya.

Naabutan ko siya at niyakap ng buong higpit...ng yakap na tila walang hanggan. Umiiyak siyang nagpupumiglas.

"Sige na...tama na..ano ba?! Iiwan na kita! Mahal na mahal kita," paiyak niyang naiwika.

Galit na si Dianne ng mga sandaling iyon. Kaya, dahan-dahan akong lumuwag sa pagkakayakap-huminahon. Natigilan kaming dalawa. Naninimbang sa mga pangyayari. Hagulgol ang kanyang huling pahimakas nang siya ay tumakbo papalayo at naiwan akong natutulalang nakatingin sa kawalan.

Hindi ako mapalagay nang mga sandaling iyon. Naghaluhalo na ang alinsangan at lamig ng ambon at luha at uhog. Litung-lito ang isip ko. Ang tanging alam ko ay di dapat ako papayag. Papaano na lang ang mga taong pinagsamahan namin, ganun na lang ba yun? Ang mga happy moments namin?--na kahit wala kaming kapera-pera ay masaya at very sweet pa rin kami. Papaano na lang ang mga maliligayang sandaling pinagsaluhan namin-sa sine...sa park..sa simbahan...sa motel...at kung saan-saan pang tagpuan namin. Subali't wala na akong ibang magagawa pa sa mga sandaling iyon. Nakapagdesisyon na siya. Dumating na lang sa akin ang tinatawag nating "realization". Napagtanto kong wala na...hindi ko na siya mapipigilan pa. Napahagulgol na lamang akong napapaluhod na tila baliw sa tingin ng mga taong nagdaraan......itutuloy

Nobela-Unang Yugto

Isinilang si Dianne na nakahiga sa karangyaan--ang tinutukoy ko ay ang kabalintunaan. Sagana sila sa pagkain, kaya ang kanyang pamilya'y halos araw-araw nagdidildil ng asin, o mas lalong tumpak, nagdidildil ng kanin--kasi kung minsan mas marami pang butil ng asin ang naihahanda sa hapag-kainan.

Sila ay may magagarang damit, kaya, ang karaniwang suot ng kanyang pamilya ay napapalamutian ng pinagtagpi-tagping retasong pinagtiyatiyagaang tahiin ng kanyang ina.

Mandin, sila'y may magandang tahanan, kaya, palagay ang kanilang pamilya sa isang tahanang patirik sa gilid ng estero at kadalasang dinadalaw ng mga tubig-baha kasama ng mga alingasaw ng mga nakabarang basura.

Si Dianne ay biniyayaan ng maraming kapatid, kaya, nang una akong makadalaw sa kanila, nakilala ko sina Diego at Entoy at Loloy at Katrina at Cecilia at Jay at Rose at Juliejim at Jean at Rhodessa at Larry at ang bunsong si Cris Lance.

Ang mga magulang ni Dianne ay masisipag sa trabaho. Ang kanyang ama ay isang konduktor at kargador sa kanto at extra sa pelikula at basurero sa smokey mountain at dakilang ama. Ang kanyang ina ay masipag din, isang labandera at tindera at taka-benta ng ulam--pag-aari ng kanilang kapitbahay--at manikurista.

Kami ni Dianne naman, halos apat na taon ng mag-on--tagal nun. Una ko siyang nakilala nung haiskul pa lamang kami. Magkaklase kasi kami nung 4th year. Matalino siya, maganda pa. Sa kanya ako nagpapaturo ng aralin sa Matematika nun. Katunayan, siya ang naging Valedictorian namin. Dahil sa katalinuhan, nakatanggap siya ng scholarship grant sa college at nakapag-aral ng isang semester. Karihapan ang dahilan kung bakit siya nahinto at mamasukang saleslady sa isang department store sa Davao.

Minsan, tuwing kami nagkikita, naaaninag ko ang lungkot sa kanyang mga mata, suliranin sa pamilya--labis na kahirapan. Kaya, madalas, kahit hindi siya nagpaparamdam, nagbibigay ako ng konting tulong. Minsan,panakaw pa nga akong kumukuha ng kahit anong mapapakinabangan sa amin--sabon, damit, tirang pagkain at kung anu-ano pang maaaring maipamasak sikmura--sa hangad na makatulong. Minsan nga, kahit allowance ko ay naiibibigay ko--pangkain, pantoma, pangyosi.Mahal na mahal ko si Dianne, kaya, ginagawa ko ang lahat lumigaya lamang siya.