Wednesday, April 29, 2009

Nobela-Unang Yugto

Isinilang si Dianne na nakahiga sa karangyaan--ang tinutukoy ko ay ang kabalintunaan. Sagana sila sa pagkain, kaya ang kanyang pamilya'y halos araw-araw nagdidildil ng asin, o mas lalong tumpak, nagdidildil ng kanin--kasi kung minsan mas marami pang butil ng asin ang naihahanda sa hapag-kainan.

Sila ay may magagarang damit, kaya, ang karaniwang suot ng kanyang pamilya ay napapalamutian ng pinagtagpi-tagping retasong pinagtiyatiyagaang tahiin ng kanyang ina.

Mandin, sila'y may magandang tahanan, kaya, palagay ang kanilang pamilya sa isang tahanang patirik sa gilid ng estero at kadalasang dinadalaw ng mga tubig-baha kasama ng mga alingasaw ng mga nakabarang basura.

Si Dianne ay biniyayaan ng maraming kapatid, kaya, nang una akong makadalaw sa kanila, nakilala ko sina Diego at Entoy at Loloy at Katrina at Cecilia at Jay at Rose at Juliejim at Jean at Rhodessa at Larry at ang bunsong si Cris Lance.

Ang mga magulang ni Dianne ay masisipag sa trabaho. Ang kanyang ama ay isang konduktor at kargador sa kanto at extra sa pelikula at basurero sa smokey mountain at dakilang ama. Ang kanyang ina ay masipag din, isang labandera at tindera at taka-benta ng ulam--pag-aari ng kanilang kapitbahay--at manikurista.

Kami ni Dianne naman, halos apat na taon ng mag-on--tagal nun. Una ko siyang nakilala nung haiskul pa lamang kami. Magkaklase kasi kami nung 4th year. Matalino siya, maganda pa. Sa kanya ako nagpapaturo ng aralin sa Matematika nun. Katunayan, siya ang naging Valedictorian namin. Dahil sa katalinuhan, nakatanggap siya ng scholarship grant sa college at nakapag-aral ng isang semester. Karihapan ang dahilan kung bakit siya nahinto at mamasukang saleslady sa isang department store sa Davao.

Minsan, tuwing kami nagkikita, naaaninag ko ang lungkot sa kanyang mga mata, suliranin sa pamilya--labis na kahirapan. Kaya, madalas, kahit hindi siya nagpaparamdam, nagbibigay ako ng konting tulong. Minsan,panakaw pa nga akong kumukuha ng kahit anong mapapakinabangan sa amin--sabon, damit, tirang pagkain at kung anu-ano pang maaaring maipamasak sikmura--sa hangad na makatulong. Minsan nga, kahit allowance ko ay naiibibigay ko--pangkain, pantoma, pangyosi.Mahal na mahal ko si Dianne, kaya, ginagawa ko ang lahat lumigaya lamang siya.

Tuesday, July 29, 2008

Kalye Pag-ibig


ni: roy van r. rivero


Matulin
kong binaybay
ang mahabang
lansangan
ng sinasabi
mong pag-ibig;

Nasadlak
ang aking
sarili--sugatan, duguan, lupaypay, agaw-buhay--
sa sangandaan
ng kabiguan.

(kay gecelle)

Ano Ang Pagkakaiba Ng Wika At Panitikan

Samu't saring kahulugan ang ipinapatungkol sa panitikan subalit ayon kay Long: " Ang panitikan ay ang nasusulat na tala ng pinakamabuting kaisipan at damdamin ng tao. Ito'y ang tinipon at pinagsama-samang karanasan ng tao na pinag-ugnay-ugnay sa mga karapat-dapat at kaibig-ibig na huwaran ng pagpapahayag".


Ayon naman kay Moises Simbulan: " Ang panitikan ay siyang mabisang kasangkapan upang maitala ang kagandahan ng Sining--ang lambing at lamyos ng musika, mailahad at maipakilala ang tunay na kahulugan ng guhit at kulay ng isang kuwadro ng pintura, maitambad at maipahayag ang mga piping hinagap na taglay ng mga anyo at hugis ng iskultura."


Samakatuwid, ano ang panitikan? Ano ang ipinagkaiba ng wika sa panitikan?


Ang wika at panitikan ay may magkatulad na layunin. Ang panitikan ang siyang pinakamatibay na paraan upang mailahad ang kagandahan ng buhay sa pamamagitan ng pagtatala o panitik; ang wika ( gaya rin ng panitikan) ay may layunin na maisatinig ang kagandahan ng sining at ng buhay.


Kaya, masasabi nating ang panitikan at wika ay walang pagkakaiba maliban sa ang panitikan ay ang pagpapahayag ng kagandahan ng sining-- ng buhay-- sa pamamagitan ng pagtatala habang ang wika ay (madalas) sa pamamagitan ng pagbigkas.