Friday, September 13, 2013

Saksi Ang Punong Iyon

Orihinal na lathalain ni: Roy Van Rivero
(No portion of this content can be republished without prior permission from the writer)

Image source: FreePik.com

Ilang taon na rin ang lumipas nang ako'y lumisan sa aming munting tahanan. Subali't nananatiling sariwa ang mga ginintuang ala-ala -- ang mga unang pagsibol ng mga pangarap -- na hinubog ng mabilis na paglayo ng mga araw at matuling pag-agos ng panahon...sa isang iglap, natakasan ko na pala ang daigdig ng kamusmusan.
  
Ako'y nagbabalik pagkat nais kong makitang muli ang lupang minsa'y naging aking kandungan...at pinananabikang masilayang muli ang punong minsa'y naging piping saksi sa makulay kong kahapon.
  
Sa muli kong pag-apak sa nayong tahanan ng aking kabataan, daglian kong tinungo ang punong ito. Namangha ako sa patuloy nitong pagyabong. Masasalaming inaruga ng init ng araw, luha ng langit at haplos ng hangin. Nakatingala akong nakatitig sa mayayabong nitong mga dahong nakikisayaw sa ihip ng hangin; ang mga pagpapaling-paling ng mga talulot na dahan-dahang nahuhulog at dampian ang aking pisngi na wari'y nagsasabing "maligayang pagababalik."
  
Muling nagbalik sa aking gunita ang ala-ala ng aking ginintuang kahapon.
  
Saksi ang punong ito...kung paano ako itinali ng aking ama sa mga nakausling ugat nito matapos kong mapurol ang pinakamamahal niyang itak.
  
Saksi ang punong ito...kung paano akong kumaripas ng takbo sa tuwing hahabulin ng sanga ng bayabas ng aking ina...sa tuwing makaligtaan kong diligan ang mga pananim sa aming bakuran.
  
Saksi ang punong ito...kung paano akong humagibis ng takbo matapos kagatin ng mga bubuyog na nananahanan sa kanyang mga sanga't mangyari'y aking magambala; kung paano mamaga at magbola ang aking mukha dulot ng mga insektong minsan din ay nag-akalang mukha ko'y kanila ring tahanan.
  
Saksi ang punong ito...kung paano humambalos ang nanginginig kong kamay at lamugin ang mukha ng aming kapitbahay na si Juan dulot ng labis kong poot matapos niyang isabit ang pinakamamahal kong tsinelas sa sanga ng puno ding ito.
  
Saksi ang punong ito...kung gaano kalakas ang aking paglagapak ng ako'y mahulog nang minsa'y makalimutan kong ako'y nasa  itaas nito matapos kong malasap ang sarap-asim na bunga nitong idinildil ko sa asin...asing isang oras ko ring hingin kina Aling Luding na aming kapitbahay (kapitbundok kung tutuusin).
  
Saksi ang punong ito...kung paano kaming pilayin ng rumaragasang tubig-baha...at kung hindi pa dagliang naitali ng aking ama at nakatatanda kong kapatid sa puno ding ito ang aming munting tahanan, tiyak ay aakalain ng lahat na bagong desenyo ng bangkang lulutang-lutang sa ilog (kung hindi magkakalasug-lasog).
  
Saksi ang punong ito...kung gaano kalakas akong humilik sa tuwing ako'y sagli't na tatakas sa taniman ng aking ama at mamahinga sa lilim ng puno ding ito.
  
Saksi ang punong ito...kung gaano kalaki ang bunganga ko't mabingi si Mang Oscar ng ako'y kanyang binyagan upang yakapin ang mundo ng pagiging binata. Lingid din sa kanya kung gaano kalaki ang pangangamatis nito...at kung gaano akong naghirap sa pangangalap ng mga dahong panghugas.
  
Saksi ang punong ito...kung paano akong lumuha sa labis na kagalakan sa buhay...sapagka't sa kandungan ng punong ito ay una kong narinig ang matimyas na pagsinta ng aking iniibig; dito'y una kong nalasap ang tamis ng kanyang halik...halik na nagbigay sa akin ng pag-asa upang patuloy na makibaka sa masalimuot at mapanghamong panahon, kasama siya. Sa lilim ng punong ito ay una kong naintindihan ang kahulugan ng 'kaligayahan' - isang napakahalagang damdamin na una kong nadama sa lilim din ng punong ito...ang tanging pintig ng aking puso na aking nadarama noon sa tuwing kami'y mamahinga sa malambot na talahiban -- sa lilim din ng punong ito -- habang pinagmamasdan ang dapit-hapong may ginintuang kulay; kung saan kami noon ay idinuduyan ng labis na kagalakan habang pinakikinggan ang pintig ng puso ng bawa't isa; kung saan kami'y nilulunod ng tuwa habang nahuhulugan ng mga dahon nitong papaling-paling sa hangin bago bumagsak sa lupa; kung saan, una naming isinuko ang aming mga sarili sa isa't isa upang yakapin ang kaluwalhatiang kaloob ng Diyos.
  
Saksi ang punong ito...kung paano ko pinagsikapang buhaying muli -- sa munti kong paraan -- ang panitikang Pilipino...ang panitikang naging sukatan ng katayugan ng diwa, lunggati, at pagpupunyagi ng ating mga bayani at salinlahi na tunay nga namang nagbigay ng napakahalagang ambag sa paglaya ng lahing kayumanggi. Sa lilim ng punong ito, una kong naisulat ng tama ang abakada upang makabuo ng salita...ng mga salitang may sukat at tugma...ng tula..hanggang sa makabuo ng maayos na sanaysay at makabuluhang lathalain. 
  
Saksi ag punong ito...kung gaano kalayo ang naaabot ng aking paglalakbay-diwa...kung gaano katayog ang nalilipad ng aking pangarap...kung gaano kalalim ang nasisisid ng aking isipan -- at ang lawak ng pagtilamsik ng mga bunga nito.

Saksi ang punong ito...kung paano kami nakipagbuno sa mga pangahas na minsang nagtangkang supulin ang kanyang paglago .

Ngayon... sa aking pagbabalik, hindi ko hahayaang may magtangka pang supilin ang patuloy  mong pagyabong at sa walang kapantay na ligayang iyong hatid. Ang punong sumasalamin sa lalim ng aking pagkatao ay mananatili habang ako'y buhay. Ang punong larawan ng katatagan, inspirasyon at tibay ng kalooban ay nararapat kong pagyabungin, sapagka't ito'y gabay ko upang mapagwagian ang bawat hampas ng mapanghamong panahon.
  
Saksi ang punong ito...
  
Napukaw ang aking pagbabalik-gunita nang matanaw ko ang babaeng lakad-takbong tinalunton ang nararaanang talahiban. sa kanyang aliwalas na mukha'y maaaninag ang kislap ng kanyang mga mata at sa pulahin nitong labi ay sumilay ang matamis na ngiti...kasabay niyon ang pagwika niya ng "maligayang pagbabalik"- ang aking irog.  

Wednesday, April 29, 2009

Daluyong

(alay sa kalikasan)


Ako'y daluyong--

Sa ihip ng hanging bugso ng laot,
sa dalampasigan ako'y umaabot;
tuwing sa buhangin ako ay humaplos,
aking napapawi, damdaming may poot.

Datapwa at minsan sa samang panahon,
maliliit kong alon, nagiging daluyong;
at sa pagdagundong ng malakas na ugong,
sugatan n'yong puso'y handang magpalamon.

Sa 'king mga bagwis, dito'y lulunurin,
isipang nanimdim, lugaming damdamin;
upang mga binhi ng gintong hangarin,
sa tigang n'yong puso'y muling maitanim.

Ako'y daluyong.

Kalyo

(alay sa mga manggagawa)

Sinasalat ng daliri mo
ang kalyo sa iyong kamay;
waring simusukat mo
ang naging kakapalan nito
sa pagdaloy ng mga araw;
Bigla, nangunot ang iyong noo;
nagsalubong ang kilay mo
nang maalala mong ang kagaspangan
nitong kumikiskis sa iyong mukha
ang dahilan ng pagkairita mo
nang ika'y maghilamos kanina.

Anak ng kalyo—ang naibulong mo
nang matandaan mong ito rin
ang dahilan ang pagkairita
ng nobya mo kahapon
nang hawakan mo
ang kanyang kamay;
napapakagat-labi kang
napapatiim-bagang!

At ngayon, bigla ang hinlalaki't
hintuturo mo,
mariing kurot
ang ipinataw sa kalyong
salot sa paningin mo.
At bigla rin, umalngawngaw
sa bulwagan ng iyong kamalayan
ang halakhakan ng mga kaibigan
mong natutuwang nangungutya
sa kalyado mong kamay;

Nagdilim ang iyong paningin.
Tumayo ka't kumuha ng blade
upang sapilitang tanggalin ito.
Subali't napatigil kang napapaisip...
napag-isip-isip mong ang OA
ng drama mo;
at bigla mong napagtanto,
nag-inarte lang pala ang mukha
nang ika'y maghilamos kanina—kunway di sanay;
at ang nobya mong OA rin—tatawag din yun.

Walang anu-ano'y napangiti ka nang tumaginting ang bombilya sa ulo mo;
napag-isipan mongpagtatawanan mo rin
ang mga kaibigan mong
palaging nangungutya sa iyo—at sa lipakin mong kamay;
Ito ang sasabihin mo: Waah! Mga walang kalyo, tamad!--paulit-ulit haggang sa sila
ay mabingi.

Ngayon, sa'yong pagkakahiga,
muli mong sinasalat
ang kakapalan nitong nakikipaghabulan
sa matuling paglayo ng mga araw;
At bigla, natambad sa 'yong mga mata
ang mga natatalang kasipagan
ng kalyado mong kamay: mga pagpukpok, pagbubuhat, paglalagari—mga napipintang lakas at tibay.
Ngayon din, naitaga mong ang kalyado
mong kamay
ay isang manlilikhang
humuhubog, bumubuo
ng mga matatatag
na bantayog
ng kadakilaan
sa buhay.