Tuesday, July 29, 2008

Kalye Pag-ibig


ni: roy van r. rivero


Matulin
kong binaybay
ang mahabang
lansangan
ng sinasabi
mong pag-ibig;

Nasadlak
ang aking
sarili--sugatan, duguan, lupaypay, agaw-buhay--
sa sangandaan
ng kabiguan.

(kay gecelle)

Ano Ang Pagkakaiba Ng Wika At Panitikan

Samu't saring kahulugan ang ipinapatungkol sa panitikan subalit ayon kay Long: " Ang panitikan ay ang nasusulat na tala ng pinakamabuting kaisipan at damdamin ng tao. Ito'y ang tinipon at pinagsama-samang karanasan ng tao na pinag-ugnay-ugnay sa mga karapat-dapat at kaibig-ibig na huwaran ng pagpapahayag".


Ayon naman kay Moises Simbulan: " Ang panitikan ay siyang mabisang kasangkapan upang maitala ang kagandahan ng Sining--ang lambing at lamyos ng musika, mailahad at maipakilala ang tunay na kahulugan ng guhit at kulay ng isang kuwadro ng pintura, maitambad at maipahayag ang mga piping hinagap na taglay ng mga anyo at hugis ng iskultura."


Samakatuwid, ano ang panitikan? Ano ang ipinagkaiba ng wika sa panitikan?


Ang wika at panitikan ay may magkatulad na layunin. Ang panitikan ang siyang pinakamatibay na paraan upang mailahad ang kagandahan ng buhay sa pamamagitan ng pagtatala o panitik; ang wika ( gaya rin ng panitikan) ay may layunin na maisatinig ang kagandahan ng sining at ng buhay.


Kaya, masasabi nating ang panitikan at wika ay walang pagkakaiba maliban sa ang panitikan ay ang pagpapahayag ng kagandahan ng sining-- ng buhay-- sa pamamagitan ng pagtatala habang ang wika ay (madalas) sa pamamagitan ng pagbigkas.

Thursday, May 22, 2008

Tatsulok (Free Verse Essay)

Namumugad sa tatlong sulok ng aking puso ang tatlong pagpapahalagang humuhubog sa kabuuan ng aking pagkatao--pag-ibig, poot, at pagpapatawad.

Unang Sulok--Bulwagan Ng Pag-ibig

Nasa unang sulok nakaukit ang bulwagan ng tinataglay kong pag-ibig: pag-big sa pamilya; pag-ibig sa bayan; pag-ibig sa panitikan; pag-ibig sa karunungan; pag-ibig sa irog; pag-ibig sa Diyos--lahat ng dakilang pag-ibig at ang mga bunga nito.

Pag-ibig sa pamilya ang dahilan kung bakit pinagsisikapan kong hindi sila maukitan ng mga galos at pasang dulot ng marahas na lipunan. Kaya, buong tapang akong nakikipaglaban sa agos ng mapanghamong panahon alang-alang sa kanilang kabutihan.

Pag-ibig sa bayan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan ko, bilang mamamaayan, ang makapag-ambag sa lupang tinubuan. Kaya, sinisikap kung sumunod sa mga alituntunin at tungkuling itinakda ng batas.

Pag-ibig sa panitikan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan kong buhaying muli ang panitikang pilipino--ang panitikang naging sukatan ng katayugan ng diwa ng ating mga bayani...ang panitikang sa kasalukuyan ay nadadaganan ng buong bigat ng modernisasyon. At ngayon nga, sinisikap kong buuing muli--sa munti ko mang paraan.

Pag-ibig sa karunungan ang dahilan kung bakit buong tapang kong nilisan ang aming munting tahanan upang mabaybay ang landas ng karunungan. Kung kaya, buong tapang akong nakikipagbuno sa mga aklat, papel, at panulat; kinabisado ang mga batas ng grammar at isinaulo ang mga pormulang iniluluwal ng matematika at siyensiya--sinikap kong abutin ang sa palagay ko'y sapat na dunong.

Ang lahat ng mga ito, sampu ng iba pang uri ng pag-ibig ay nauukit sa bahaging ito ng aking puso.


Pangalawang Sulok: Ang Teatro Ng Poot

Sa likod ng pag-ibig at kaligayahan, naririto, nag-aalab din sa isang sulok ng aking puso ang teatro ng aking poot na sumibol matapos madilig ng mga paghihinagpis, pasakit, at pagdurusang dulot ng ilan. Sa bahaging ito nasisilsil ang mga pagdadalamhati, kabiguan--mga madudulang tagong ipinaglaban ko ng buong tapang at pagtitiis.

Halimbawa, minsan, sa kabila ng aking pagmamahal, ang mga lagitik ng mga pagpalong naging kabayaran ko sa pagpapahayag ng sariling kaisipang taliwas sa itinakda ng mga nakapaligid sa akin ay nag-iiwan ng mga latay at pasa. At ang mga naging pagluhang tumutugma sa ritmo ng mga paghampas ay sining din palang nag-iiwan ng bakas ng kariktan ng pagkamuhi.

Ang mga naging pagsupil sa mga batayang karapatan, sa pagpapahayag ng sariling paninindigan, sa mga pagpigil sa malayang pagkilos na naaayon sa idinidikta ng sariling kalooban, sa mga naging pagyurak sa aking pagpapahalaga, ay dahan-dahang nakapagpatigang at nakapagpabato ng aking damdamin.

Ang mga karaingan ng puso kong nahahabag sa kalagayan ng ating panitikan ay natatala rin sa sulok na ito. Ang ating panitikang (gaya ng nasabi ko na) sa kasaluyan ay nadadaganan ng buong bigat ng modernisasyon--sa lahat ng larangan sa buhay. Naghihingalo. Nag-aagaw-buhay tulad ng isang makatang unti-unting napapagal ang isipan sa pagmumulat ng lipunan sa mga karupukan at kabulukan nito--lipunang malala na ang sira.

Ang lahat ng mga pagdadalamhati na nananahanan sa teatro ng poot ay nakapagpakulimlim sa isang bahagi ng aking puso; at hangga't hindi ko naaaninag ang kamulatan ng lipunan sa mga pagpapahalagang nasabi na, mananatiling nakaukit ang mga ito sa isang sulok ng aking pusong nababalutan ng dilim ng labis na pagkasuklam.

Pangatlong Sulok: Tahanan Ng Pagpapatawad

Hindi ko maipagkakaila, buong pait kong kinikimkim ang poot na ito. Subali't kahit sa pinakamadilim na sulok ng ating puso, nahahaplusan din ng liwanag na idinadampi ng dakilang Diyos. Kung kaya, sa pangatlong sulok naninimbang ang tahanan ng pag-asa, pangarap, at pagpapatawad. Upang sa gayun, ang poot ay lubusang maghilom sa lalong madaling panahong maaari. At upang hindi na makakapaminsala pa sa sarili at sa lipunang aking ginagalawan.

Ipinagkaloob ng Maykapal ang sulok na ito upang punuin ng mga ginintuang pangarap at pagpapatawad. Nang pag-asang maghihilom ng mga sugat na naguguhit sa teatro ng poot. At upang sa gayun din, lalong mapagyabong ang tinataglay kong pag-ibig...pag-ibig na magdadala sa akin sa mundo ng kaganapan ng aking pagkatao.

(roy van r. rivero) note: no portion of this article can be published by any party (in any form) without, of course, mailing the author--masahiko_zel@yahoo.com.

Friday, May 16, 2008

Licensed (Suicidal Ideation)



It has been a distant journey
still, I am prolonging my agony
with the pain of reality
brought by cruel society.

They've taken my chance away
--a chance to love and be loved!
They've stolen my opportunity
--to achieve more knowledge; to cripple ignorance!
I am deprived of my rights
--right to free from bondage; to taste genuine liberty!

And now, with all of these
I think I am fully licensed
--licensed to stop this tears
licensed to end this pain!

In my little-dark-cold room,
flashed are all
--my struggles,
this pain,
these failures,
this curse!

So, I decided to end it all
I am ending it all,
and absolutely all!!!

(Silence)

But never...

Beyond this rivering tears
sparks a little hope;
someday
--I'll have a chance for love
somehow
--an opportunity for knowledge
sooner
--I'll be able to run like a wind
under the cerulean sky!

(Silence)

In my reflections,
grows my determination;
in this dimension
I must continue to go on...

I am licensed...
licensed to love the gift
of living life.

Pag-ibig: Sa Pagtiklop Ng Iyong Dapit-hapon (Suicidal Ideation)


Payapang-payapa siyang nakaupo habang pinagmamasdan ang salpok ng alon sa dalampasigan. Pilit inaaliw ang sarili sa paulit-ulit nitong paghaplos sa kumikinang na buhangin. Napangiti siya. Subali't sa kanyang maamong mukha na bahagyang pinatitingkad ng pulahing pisngi at maninipis na balbas ay naguguhit pa rin ang larawan ng lubhang kalungkutang dala ng labis na pagkabigo sa buhay--ng pag-ibig. Napangiti siyang muli.

Hindi niya akalaing iyon ang kahihinatnan ng kanyang wagas na pagmamahal. Nagkaganun man, pilit pa rin niyang nilalabanan ang labis na hapding dulot niyon. Nguni't sa mga sandaling iyon, nangingilid na ang kanyang mga luha; at sa paghahabol ng kanyang buntong-hininga'y tuluyan na itong nagbatis. Doo'y paluhod na siyang humagulgol.

Tila mga perlas na nadudurog ang mga butil ng luhang nag-uunahan sa pagpatak sa buhangin. Sabay niyon ay ang pagdaloy ng dugong nagmumula sa kanyang mga palad matapos kuyumin ang bitbit na rosas. Pamuli siyang humagulgol at sa sumandali...ay katahimikan.

Mula sa kinalulugmukan, dahan-dahan siyang tumayo upang muling mapagmalas ang ganda ng kapaligiran--ang ibon..ang dagat...ang buhay. Sa kanyang pagwawari lubos ang kaligayahan ng mga ibong naglilliparan sa aliwalas na papawirin. Nais niyang makamtan ang yaon. Nais niyang lumaya sa labis na pighating nararanasan subali't muling nagsusumiksik sa isipan ang huling binitawang salita ng kanyang kasintahan:

"Alam kong wagas ang pag-ibig mo...subali't di iyon sapat. Hindi ako mabubuhay ng pag-ibig lamang. Wala tayong pag-aaring magdudulot sa atin ng lubos na kaligayahan sa buhay. Pilit man tayong magsikap, aabutin ng matagal na panahon upang mapunan ang kakulangan ng ating pagkatao. Hindi ko kayang hintayin iyon ng buong pagtitiis. Ngayon ko napagtanto, magkaiba ang mundong nais nating galawan...paalam na!"

Magtatakip-silim na subali't nananatili siyang nakatayo habang binabanaag ang ginintuang sinag sa kabilang dulo ng karagatan. Dito'y nakadama siya ng munting kaligayahan. Ngiting matamis ang idinulot nitong sinag na humahalik sa aliwalas na karagatan. Subali't ito'y malapit ng maglaho--magpahinga.

Ayaw niyang magpahinga ang araw. Nais pa niyang makita ang sinag nitong nakapagpagaan sa nagdurusa niyang kalooban.

To be continued...

Thursday, May 15, 2008

Bangkang Papel (Paper Boat)


Ako'y bankang papel
na naninimbang
sa daloy
ng tubig-kanal;
nagtitiis
sa alingasaw
habang nakikipaghabulan
sa mga layak
na nagtatangkang
makawala
sa makitid at mabahong
esterong kinalulugmukan.

Madalang lamang
ang mga damong-ligaw
na nagpupumilit
mabuhay, sumibol
sa gitna
ng ginalulugamiang burak
na aking nararaanan

Ito ang buhay ko,
isang bankang papel
na buong tapang
na nakikipagbuno
sa bawa't bulwak
ng mga tubig-itim
sa gilid ng kanal,
upang ako'y
makapagpatuloy
sa paglalayag
tungo sa huling hantungan--karagatan,
malawak, dalisay.

roy van r. rivero