Thursday, May 22, 2008

Tatsulok (Free Verse Essay)

Namumugad sa tatlong sulok ng aking puso ang tatlong pagpapahalagang humuhubog sa kabuuan ng aking pagkatao--pag-ibig, poot, at pagpapatawad.

Unang Sulok--Bulwagan Ng Pag-ibig

Nasa unang sulok nakaukit ang bulwagan ng tinataglay kong pag-ibig: pag-big sa pamilya; pag-ibig sa bayan; pag-ibig sa panitikan; pag-ibig sa karunungan; pag-ibig sa irog; pag-ibig sa Diyos--lahat ng dakilang pag-ibig at ang mga bunga nito.

Pag-ibig sa pamilya ang dahilan kung bakit pinagsisikapan kong hindi sila maukitan ng mga galos at pasang dulot ng marahas na lipunan. Kaya, buong tapang akong nakikipaglaban sa agos ng mapanghamong panahon alang-alang sa kanilang kabutihan.

Pag-ibig sa bayan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan ko, bilang mamamaayan, ang makapag-ambag sa lupang tinubuan. Kaya, sinisikap kung sumunod sa mga alituntunin at tungkuling itinakda ng batas.

Pag-ibig sa panitikan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan kong buhaying muli ang panitikang pilipino--ang panitikang naging sukatan ng katayugan ng diwa ng ating mga bayani...ang panitikang sa kasalukuyan ay nadadaganan ng buong bigat ng modernisasyon. At ngayon nga, sinisikap kong buuing muli--sa munti ko mang paraan.

Pag-ibig sa karunungan ang dahilan kung bakit buong tapang kong nilisan ang aming munting tahanan upang mabaybay ang landas ng karunungan. Kung kaya, buong tapang akong nakikipagbuno sa mga aklat, papel, at panulat; kinabisado ang mga batas ng grammar at isinaulo ang mga pormulang iniluluwal ng matematika at siyensiya--sinikap kong abutin ang sa palagay ko'y sapat na dunong.

Ang lahat ng mga ito, sampu ng iba pang uri ng pag-ibig ay nauukit sa bahaging ito ng aking puso.


Pangalawang Sulok: Ang Teatro Ng Poot

Sa likod ng pag-ibig at kaligayahan, naririto, nag-aalab din sa isang sulok ng aking puso ang teatro ng aking poot na sumibol matapos madilig ng mga paghihinagpis, pasakit, at pagdurusang dulot ng ilan. Sa bahaging ito nasisilsil ang mga pagdadalamhati, kabiguan--mga madudulang tagong ipinaglaban ko ng buong tapang at pagtitiis.

Halimbawa, minsan, sa kabila ng aking pagmamahal, ang mga lagitik ng mga pagpalong naging kabayaran ko sa pagpapahayag ng sariling kaisipang taliwas sa itinakda ng mga nakapaligid sa akin ay nag-iiwan ng mga latay at pasa. At ang mga naging pagluhang tumutugma sa ritmo ng mga paghampas ay sining din palang nag-iiwan ng bakas ng kariktan ng pagkamuhi.

Ang mga naging pagsupil sa mga batayang karapatan, sa pagpapahayag ng sariling paninindigan, sa mga pagpigil sa malayang pagkilos na naaayon sa idinidikta ng sariling kalooban, sa mga naging pagyurak sa aking pagpapahalaga, ay dahan-dahang nakapagpatigang at nakapagpabato ng aking damdamin.

Ang mga karaingan ng puso kong nahahabag sa kalagayan ng ating panitikan ay natatala rin sa sulok na ito. Ang ating panitikang (gaya ng nasabi ko na) sa kasaluyan ay nadadaganan ng buong bigat ng modernisasyon--sa lahat ng larangan sa buhay. Naghihingalo. Nag-aagaw-buhay tulad ng isang makatang unti-unting napapagal ang isipan sa pagmumulat ng lipunan sa mga karupukan at kabulukan nito--lipunang malala na ang sira.

Ang lahat ng mga pagdadalamhati na nananahanan sa teatro ng poot ay nakapagpakulimlim sa isang bahagi ng aking puso; at hangga't hindi ko naaaninag ang kamulatan ng lipunan sa mga pagpapahalagang nasabi na, mananatiling nakaukit ang mga ito sa isang sulok ng aking pusong nababalutan ng dilim ng labis na pagkasuklam.

Pangatlong Sulok: Tahanan Ng Pagpapatawad

Hindi ko maipagkakaila, buong pait kong kinikimkim ang poot na ito. Subali't kahit sa pinakamadilim na sulok ng ating puso, nahahaplusan din ng liwanag na idinadampi ng dakilang Diyos. Kung kaya, sa pangatlong sulok naninimbang ang tahanan ng pag-asa, pangarap, at pagpapatawad. Upang sa gayun, ang poot ay lubusang maghilom sa lalong madaling panahong maaari. At upang hindi na makakapaminsala pa sa sarili at sa lipunang aking ginagalawan.

Ipinagkaloob ng Maykapal ang sulok na ito upang punuin ng mga ginintuang pangarap at pagpapatawad. Nang pag-asang maghihilom ng mga sugat na naguguhit sa teatro ng poot. At upang sa gayun din, lalong mapagyabong ang tinataglay kong pag-ibig...pag-ibig na magdadala sa akin sa mundo ng kaganapan ng aking pagkatao.

(roy van r. rivero) note: no portion of this article can be published by any party (in any form) without, of course, mailing the author--masahiko_zel@yahoo.com.

3 comments:

Jean said...

oist.. wahehehe,,, galing mo ah,.. wehehhe... pwd mag submit din ako??

maharlikang alipin said...

oo naman..anytime..jejeje

Abee_B2UTY said...

dakila ka, sapagkat walang sukat ang iyong pagmamahal sa panitikang pilipino. Nararapat kang ipagmalaki ng iyong bayang sinilangan. :)