Wednesday, April 29, 2009

Nauupos Na Kandila

(Pagpapahalaga sa sarili)

Magbago ka.

Ikaw ay tulad ng isang nauupos na kandila at ito’y di tulad mo.

Kung hanggang ngayon ay pinaniniwalaan mong wasto ang kabuktutang ginagawa mo sa sarili’t kapwa...magbago ka. Ikaw ay katulad ng isang kandilang unti-unting nalulusaw sabay sa pagtiktak ng orasan.

Ikaw at ang katulad mo’y nauupos na kandila. Dapat kang magbago pagkat ang kandila ay di tulad mo.


Kung hanggang ngayo’y iginugugol mo ang mahahalagang panahon at lakas sa mga walang kabuluhang bagay na dapat sana’y naitakda mo sa gawaing nararapat...magbago ka. Ikaw at ang kauri mo’y hambing sa isang kandilang nauupos habang nilalamon ng apoy.

Ang kandila’y di tulad mo ngunit ikaw at ang kauri mo’y tulad nito.

Kung ang bagong kahulugan mo sa pagtutulos ng kandila sa oras ng iyong panalangin ay ang pagtitirik ng mga bote ng alak; kung ang dating mataimtimang busal ng iyong panalangin ay ngayo’y nakabibinging halakhakan kasama ang iyong mga kaibigan; at kung ang dating pag-aalay mo ng bulaklak sa oras ng misa ay ngayo’y paglalapag ng pulutan at pagbalasa ng mamula-mulang baraha...magbago ka! Ang katulad mo...kayo ng mga kaibigang mong gaya mo ay tulad ng mga kandilang nauupos sabay sa pagdagundong ng batingaw sa simbahan.

Magbago ka. Nauupos ka na at malayo pa ang umaga. Nauupos. Ikaw ay nauupos. Nauupos ka. Sa karimlan ng gabi ay patuloy kang mangangapa pagkat malayo pa ang umaga at hindi ka pa rin nagbabago.

Kung hanggang ngayo’y nasa cyber cafe pa rin ang first subject mo; kung hanggang ngayo’y di mo pa rin makuhang ipagpasalamat sa magulang ang allowance mong napupunta sa ragnarok at tantra...magising ka na. Tagaktak ang pawis nila upang maibigay sa’yo ang kailangan. Magpahalaga ka. Hindi lahat ng pagkakataon ay may tubig ang balon, kaya’t igugol mo sa tama ang lahat ng nasa iyo. Ang magulang mo’y tulad din ng nauupos na kandila at ito’y di tulad nila. May hangganan ang lahat tulad ng kandilang nauupos. Magbago ka.

Kung hanggang ngayon ay gaya pa rin ng dati...kung saan isinusulat mo ang iyong kodigo sa gitnang bahagi ng iyong bluebook tuwing exam habang umaalingasaw ang amoy ng pawis mo pagkatapos ng maaksyong basketbol, at makaraang mag-ingay ka sa espasyong daanan dahil sa nasita ng guwardiya matapos mong bulabugin ang mga kaklase na napagbuntunan mo ng galit dahil sa naloko ka ng babaeng nakaulayaw mo sa kahabaan ng San Pedro St. sa gabing sinundan, makiramdam ka. Maya’t maya kang pinag-uusapan.

Magising ka. Ang kandila’y nauupos tulad mo subalit magkaiba kayo. Kaya, huwag mong sayangin ang maikling panahong ilalagi mo sa mundo.

Ang buhay mo’y maikli tulad ng kandilang unti- unting nauupos. At kung di ka magbabago, darating ang panahon na ikaw ay magnanais na lamang bumalik sa nakaraan upang maituwid ang iyong mga pagkakamali at upang magawa ang mga bagay na di mo ginawa. At upang ganap na mapunan ang oras na laan sa mga bagay na lubhang mahalaga’t sana’y iyong nagawa. Subali’t sa panahong iyon, di mo makakaya, tulad ng kandilang sisiyap-siyap matapos masagad ng matakaw na apoy, ikaw ay dahan-dahang nalulusaw. At kahit sa pagbabalik- tanaw lamang mo gustong baguhin ang iyong nakaraan, natitiyak nating di mo ito magagawa. Pagkat dahan- dahang napapagal ang iyong isipan hanggang sa tuluyang maglaho ang lahat sa iyong ala-ala. Sana’y maisip mo.

Magbago ka...pagkat ikaw ay tulad ng kandilang nauupos, subali’t ito’y di tulad mo. Sapagkat, ang kandilang bagong sindi ay nakapagbibigay ng masidhing liwanag. At kasabay ng nakabibinging kalembang ng batingaw sa simbahan...unti- unti itong nauupos at di na makakaya pang makipaglaro sa dilim at di maglalaon ay mamamatay. Magkaganun man, ang mga labi nito’y muling nahuhubog kung kailan natin naisin at muli...nakapagbibigay ng ningas sa pusikit na karimlan ng gabi. Sa kasawiang palad, ang tao’y gaya ng kandilang nauupos ngunit siya’y may tig-iisang pagkakataon lamang sa bawat yugto ng kanyang buhay upang ito’y magampanan. Habang gumaganap siya, mabuti man o hindi, siya’y unti-unting mauupos...mawawalan ng lakas... tuluyang babagsak sa lupa at wala na siyang pagkakataong katulad ng kandilang muling nakapagbibigay ng liwanag.

Ikaw ay tulad ng kandilang nauupos subalit magkaiba kayo.

Sana’y kahit sandali ay tumigil ka sa iyong paghakbang sa landas na iyong tinatahak upang muling malingon ang iyong nakaraan- kung nagawa mo bang pasalamatan ang lahat ng nagmamahal sa’yo; kung nakahingi ka na ba ng tawad sa lahat ng nasaktan mo-sarili’t kapwa; at kung nagampanan mo ba ng maayos ang iyong tungkulin. Pagkat tulad ng kandila, unti-unti kang nalulusaw at nawawalan ng liwanag sabay sa pagdaloy ng mga oras. At pagdating ng panahon, tuluyan ng maglalaho ang iyong kislap. At sa puntong iyon, anumang naisin mong matamo ay hindi na maaring makamit...at ang nakaraan kailan ma’y di mo na maibabalik.

Nauupos ka na tulad ng kandila subalit ito’y di tulad mo.

Magbago ka.

No comments: